Maikling Kwento


Ang Tigre at ang Lobo
Isang araw ay nahuli ng Tigre ang isang Lobo sa kasukalan. Kakainin na sana ng mabangis na Tigre ang kaniyang huli nang itaas ng Lobo ang kaniyang leeg at nagwikang, “Teka, teka. Alam mo bang kaproproklama lamang ng mga Bathala na ako na raw ngayon ang Hari ng Kagubatan?”
“Ikaw? Hari ng mga Hayop?” hindi makapaniwalang sabi ng Tigre.
“Kung hindi ka naniniwala ay sumama ka at maglakad tayo sa buong kagubatan. Tingnan mo lang kung hindi matakot ang lahat makita lang ako!”
Hindi malaman ng Tigre kung paniniwalaan ba o hindi ang tinuran ng Lobo.
Mayabang na lumakad sa harapan ng Tigre ang Lobo. Nang ayain ng Lobo ang Tigreng umikot sa kagubatan ay napasunod ito.
Malayo pa lamang sa mga Usa ay kumaway-kaway na ang Lobo sa mga hayop na may mahahabang sungay. Takot na napatakbong papalayo ang mga Usa. Ganoon din ang naging reaksiyon ng mga Kambing, ng mga Kuneho at ng mga Tsonggo.
Takot ding nagsilayo ang mga Baboydamo at mga Kabayo.
Takang-taka ang Tigre.
Nang magtakbuhan sa sobrang takot ang mga hayop ay mayabang na nagsalita ang Lobo, “Kaibigan, naniniwala ka na bang ako na nga ang Hari ng Kagubatan?”
Napansin ng Tigre na kapag lumalapit na silang dalawa sa mga hayop ay lagi at laging nasa likod niya ang tusong Lobo.
Napag-isip-isip niyang hindi sa Lobo takot ang Usa, ang Kambing at Kuneho. Hindi rin dahil dito kaya kumaripas ng takbo ang Tsonggo, ang Baboyramo at Kabayo. Nang manlisik na ang mga mata ng Tigre at magsitayo na ang mga balahibo nito sa galit ay mabilis pa sa alaskwatrong nagtatakbong papalayo ang takut na takot na Lobo.

Si Paruparo at si Langgam

Takang-taka si Paruparo habang minamasdan niya si Langgam na pabalik-balik sa paghahakot ng pagkain sa kanyang lungga sa ilalim ng puno.
“Ano ba iyang ginagawa mo, kaibigang Langgam? Mukhang pagod na pagod ka ay di ka man lang magpahinga?” tanong ni Paruparo. “Bakit di ka magsaya na tulad ko?”
“Naku, mahirap na,” aniya. “Malapit na ang tag-ulan. Iba na ang may naipon na pagkain bago dumating ang tag-ulan.”
“Kalokohan iyan. Tingnan mo ako. Hindi natitigatig,” pagmamalaki ni Paruparo.
“Bakit nga ba?” Nagtataka si Langgam.
“Ganito iyon, e. Nakikita mo ba ang kaibigan ko sa damuhan?” inginuso niya ang nasa di kalayuan.
“Sino?’ tanong ni Langgam.
“Si Tipaklong, kaibigan ko iyan, Alam mo, matapang ang kaibigan ko. Nabibigyan niya ako ng proteksyon. Baka akala mo, dahil sa kanya walang sigwang darating sa akin,” pagyayabang ni Paruparo.
“A, ganoon ba?” sabi ni Langgam.
“Utak lang, utol. O, di pakanta-kanta lang ako ngayon dito. Ikaw lang e,” sabi ni Paruparo.
“Wala akong inaasahan kundi ang aking sarili. Kaya kayod dito, kayod doon,” mababa subalit madiin ang tinig ni Langgam. “O, sige, ipagpapatuloy ko muna ang aking gawain.”
Pagkatapos ng usapang iyon nagkahiwalay ang dalawa.
Ang mga sumusunod na araw ay maulan. Hindi lamang mahabang tag-ulan. May kasama pang bagyo at baha. Mahirap lumabas at kung makalabas man wala ring matagpuang pagkain.
Lalong umapaw ang tubig. Walang madaanan ang tubig dahil malalim din ang mga ilog at dagat. Tumagal ang baha. Palubha nang palubha ang kalagayan dahil malakas pa rin ang pagbuhos ng ulan.
Ano kaya ang nangyari kay Langgam? Naroon siya sa guwang ng puno. Namamahinga. Sagana siya sa pagkain. Naisipan ni Langgam ang dumungaw upang alamin ang kalagayan ng paligid. Aba, ano ba ang kanyang nakita?
Nakita niya si Paruparo at Tipaklong na nakalutang sa tubig. Patay ang dalawa. Mayamaya’y dalawang mabilis na ibon ang mabilis na dumagit sa kanila.
Napaurong sa takot si Langgam sa kanyang nakita. Subalit nasabi pa rin niya sa kanyang sarili: “Kung sino ang may tiyaga, siya ang magtatamong pala.”

Si Dagang Bayan at si Dagang Bukid

 

May dalawang dagang magkaibigan, sina Dagang Bayan at Dagang Bukid. Magkalayo ang kaniiang mga tirahan subalit patuloy pa rin ang kanilang pagkakaibigan.
Isang araw, dinalaw ni Dagang Bayan si Dagang Bukid.
“Napakalayo ng lugar mo. Nagutom ako sa pagod. Kumain na tayo,” ani Dagang Bayan.
“Wala akong pagkain dito. Halika, maghanap tayo,” sagot ni Dagang Bukid.
“Ano? Maghahanap pa tayo?” di-makapaniwalang tanong ni Dagang Bayan.

 

“Oo, ganyan talaga rito sa bukid. Hahanapin mo muna ang iyong kakainin,” malumanay na sagot ni Dagang Bukid.
Naglakad silang dalawa. Sa may daan, nakakita sila ng supot. Dali-dali nila itong binuksan.
“Tinapay! Masarap na tinapay!” sabi ni Dagang Bayan.
“Teka, akin ‘yan. Ako ang unang nakakita r’yan,” sabi naman ni Dagang Bukid.
“Para walang away, hati na lang tayo,” mungkahi ni Dagang Bayan. Tango lamang ang tugon ng kanyang kaibigan.
Hinati ni Dagang Bayan ang tinapay. Iniabot niya ang maliit na bahagi kay Dagang Bukid.
“Naku, hindi pantay ang pagkakahati mo,” reklamo ni Dagang Bukid.
“Oo, nga ‘no? Bawasan natin,” sagot ni Dagang Bayan, at pagkatapos ay kinagatan niya ang mas malaking bahagi.
“Naku, lumiit naman itong isa,” sabi ni Dagang Bukid.
Kinagatan naman ni Dagang Bayan ang kabilang bahagi ng tinapay.
“Naku, lumiit nang pareho,” himutok ni Dagang Bukid.
“Para walang problema, akin na lang lahat ito. Ang susunod nating makikita ay sa iyo naman,” sabi ni Dagang Bayan sabay subo sa lahat ng tinapay.
Dito nakahalata si Dagang Bukid.
“Niloko mo ako! Paano kung wala tayong makitang pagkain?” pagalit niyang wika kay Dagang Bayan.
Dahil dito, nag-away ang magkaibigang daga, at ang kanilang pagkakaibigan ay tuluyang naglaho.

Ang Uwak at ang Gansa

 

Isang Uwak ang nakaramdam ng pagkasawa sa pang-araw-araw na gawain. Sawa na siya sa paglipad sa kalawakan. Sawa na rin siya sa pamamasyal sa matarik na kabundukan at malawak na kagubatan.
Ano kaya ang dapat niyang gawin upang malibang? Bigo siya sapagkat di niya makita kung anong bagay ang makapagpapaligaya sa kaniya.

 

Isang araw, dumapo siya sa sanga ng punong mangga. Tiningnan niya sa ibaba ang malinaw na batis. Kitang-kita niya ang kekembot-kembot na paglalakad ng isang pulutong na mga Gansa. Noon lamang napansin ng Uwak ang mapuputing balahibo ng pinanonood. Humanga siya sa mahahaba nilang leeg. Masasaya ang mga Gansa sa paglangoy nila sa batis. Maririnig mo ang malalamyos nilang tinig.
“Masasaya na sila, magaganda pa! Pagkapuputi ng mga balahibo nila. Maitim na maitim ako. Pagkapangit-pangit ko. Siguro nakapagpapaputi, nakapagpapaganda at nakapagpapaligaya ang batis na pinaglalanguyan nila.”
Upang makalangoy din, nakipagkaibigan siya sa isa sa mga Gansa.
“Binibining Gansa, maaari bang sumabay sa iyong paglangoy?”
“Aba, oo. Halika. Ang batis ay kalikasang handog ng Panginoon. Halika sumabay ka sa akin!”
Kumislap ang mga mata ng Uwak. Sa wakas ay makalaiangoy na rin siya. Subalit di tulad ng mga Gansa, ang Uwak ay hindi marunong lumangoy. Sapagkat gustung-gustong madaling pumuti, gumanda at lumigaya, pinilit niyang lumangoy na malayo sa Gansang kinaibigan niya. Sa kasamaang palad ay nabasa ang mga pakpak ng Uwak at natangay siya ng rumaragasang mga alon.

 

Mga Pusa Laban Sa Mga Daga

 

Matagal nang magkaaway ang mga Pusa at ang mga Daga. Lagi at laging nananalo sa labanan ang mga Pusa. Una, malalaking di hamak ang mga Pusa. Pangalawa, nakuha raw nila ang husay sa pakikidigma ng mga Tigreng kalahi nila.
Nagpulung-pulong ang mga Daga.
“Wala sa laki yan,” sabi ng mga Dagang Siyudad.
“Nasa tapang at bilis yan,” giit ng mga Dagang Lalawigan.
“Nasa istratehiya ng pakikidigma ang susi,” diin ng mga Dagang Kosta.
“Tama. Tama. Kailangan ang preparasyon sa labanan!” dugtong ng mga Bubuwit.
“Maghanda! Maghanda!” sigaw ng lahat sa Dagalandia.
Naghanda nga ang mga Daga. Napagkaisahan nilang pumili ng apat na heneral na mangunguna sa pakikidigma. Naniniwala ang mga Daga na dapat unahin ang mga kasuotang pandigma upang mapaganda ang porma ng mga lalaban. Kaunting panahon lang ang ginawa nila upang mapabuti ang sistema ng pagsalakay sa mga kaaway. Binuo nila ang loob upang magtagumpay.
Ang apat na heneral ay binigyan ng sapat na awtoridad upang pamunuan ang apat na batalyong Daga. Tiniyak ng mga Daga na ang mga heneral ay nabihisan ng kagalang-galang na kasuotan na napapalamutian ng nagkikinangang medaiyong pandigmaan.
Pinagsikapan din ng mga Dagang masuotan ang mga heneral ng mga sumbrerong panlaban na may plumahe at makikinang na adornong kaakit-akit sa nagliliwanag na putukan.
Nang magsimula ang pagsalakay ay nawalan ng panimbang ang mga sundalo ng Dagalandia. Malaking problema sa apat na heneral ang sumbrero nila na sa taas ng plumahe at kinang ng mga adornong nagliliwanag sa putukan ay inaasinta ng mga kalaban.
Naging problema rin ng mga heneral ang mga medalyong pandigmaang nakakabit sa kanilang mga kasuotan. Ang malalapad na medalyon ay sumasabit sa mga kamay ng mga heneral. Problema ang mga medalyon kapag itinuturo na kung sinu-sino ang dapat paputukan at kung kailan dapat pasabugin ang kanyon sa mga kalaban.
Tulad ng dapat asahan, maraming mga Daga ang naging talunan. Ang apat na heneral na maganda ang porma sa pakikipagdigmaan ay nasawi sa kakulangan sa sistema ng pakikipaglaban.
Ilan lamang ang nakabalik sa kani-kanilang lunggang pinagtataguan. Mabuti na lamang at hindi sila inabutan ng mga Pusang handa ring pumatay.


Si Mario, si Ana, at ang Isda

Tuwang-tuwa ang mangingisdang si Mario nang may nabingwit siyang isang malaking isda. Nang ilalagay na niya ito sa buslo, bigla itong nagsalita, “Huwag!” Muntik nang mahulog sa bangka si Mario sa malabis na pagkagulat.
“Ibalik mo ako sa tubig at bibigyan kita ng kayamanan,” sabi ng isda, na nagpipilwag.
Nang mahulasan si Mario, tinanong niya ang isda, “Ano ka ba, impakto?”
“Hindi, ako ay alagad ng mga sirena na naatasang magbantay dito sa malapit sa pampang. May kapangyarihan ako – mahika! Kaya ibalik mo lang ako sa tubig at ipagkakaloob ko sa iyo ang hihilingin mo.”
Naalaala ni Mario ang dampang tinitirhan niya. Lagi itong inirereklamo ng asawa dahil sa kaliitan. “Nais ko ang malaking tirahan,” sabi niya sa isda.
“Masusunod. Umuwi ka na at makikita mo ang iyong malaking tahanan,” sabi ng isda na kaagad namang ibinalik ng lalaki sa tubig.
Hindi lang malaki ngunit tila palasyo ng hari sa gara ang nadatnan niya. “Sa palagay ko, hindi na ako aawayin ni Ana. Malaki na ang bahay namin.”
Nguni’t hindi pa pala nasisiyahan ang asawa. “Hulihin mo uli ang isda. Sabihin mong walang mga kasangkapan. Dapat ay iyong magagandang mesa, silya, kama at mga dekorasyon sa bahay.”
Palibhasa’ y takot sa babae, bumalik si Mario sa dagat at namingwit. “Sana’y huwag ko na siyang mahuli para hindi na ako makahingi. Nakakahiya naman ang asawa ko,” bulong niya sa sarili.
Nagkataong lumalangoy pala sa malapit ang malaking isda at nang makita si Mario, ito’y lumukso sa kanyang bangka. “Ano, kaibigan, nagustuhan mo ba ang bahay mo?”
“Oo nga, maraming salamat. Nguni’t nakikiusap ang asawa ko, kung maaari raw, mabibigyan mo ba raw kami ng mga kasangkapan?” nahihiyang tanong ng mangingisda.
“O, sige. Bumalik ka na sa inyo at naroon na ang mga hinihiling ng asawa mo.”
Natitiyak ni Mario na matutuwa na ngayon si Ana. Malaking biyaya na talaga ang ibinigay sa kanila ng isda. Pagdating niya sa bahay, sinalubong siya ng asawa sa pintuan.
“Balikan mo uli ang isda. Humingi ka naman ngayon ng magagarang alahas at magagandang kasootan. Nais kong makita ng lahat dito sa bayan natin na tayo ang pinakamayaman dito,” utos ng babae sa asawa, na alam niyang hindi kayang sumuway sa bawa’t sabihin niya.
Hiyang-hiya si Mario na humarap uli sa isda, na madali niyang nakita sa pampang na pinaglalagian nito. “Nakakahiya sa iyo,” halos hindi niya maibuka ang bibig, “ngunit may hinihingi na naman ang asawa ko.”
Matagal na hindi sumagot ang isda, parang nag-iisip. Kapagkaraka ay nagsalita, “Nakikilala ko na kung ano ang uri ng pagkatao ang asawa mo. Isa siyang sakim at walang pakundangang babae. Hindi siya marunong mahiya, at hindi rin siya mabait na asawa. Parurusahan ko siya. Kukunin ko uli lahat ng naibigay ko na sa kanya.” Lumukso sa tubig ang isda at matuling lumangoy papunta sa laot.
Nang umuwi si Mario, nakita niya si Ana na nakaupong umiiyak sa hagdang kawayan, ng dati nilang dampa.

Si Leon at si Kambing

Isang kambing ang napahiwalay sa kanyang mga kasama. Sa paghahanap sa kanyang mga kasama, napagod sa kalalakad ang kambing. Uhaw na uhaw rin ito kaya nang makakita ng sapa ay lubha siyang natuwa.
“Sa wakas ay makaiinom na rin ako,” wika niya sa kanyang sarili.
Iinom na sana siya nang biglang dumating ang isang leon.
“Hoy, Kambing, ako muna ang iinom!” wika ng leon sa kambing.
“Nauna ako rito kaya dapat mauna akong uminom,” ganting sagot ni Kambing.
“Ako ang hari ng kagubatang ito. Ako ang dapat maunang uminom,” mariin namang wika ni Leon.
“E, ano kung hari ka? Kayang-kaya ka ng sungay ko!” mayabang na tugon ni Kambing.
“Hoy, Kambing! Walang magagawa ang sungay mo sa matatalas kong ngipin,” pagmamalaki ni Leon.
Mag-aaway na sana ang dalawa nang mapatingin ang leon sa itaas. Nakita niya ang mga bwitreng lumilipad.
“Naku! Kambing, alam mo ba ang ibig sabihin ng mga bwitreng iyon?” tanong ni Leon.
“Hinihintay nila tayong magpatayan para kainin nila ang ating bangkay,” sagot ni Kambing.
Biglang nawala ang galit nila sa isa’t isa.
“Sige, Kambing, ikaw na ang maunang uminom,” mungkahi ni Leon.
“Hindi, ikaw ang hari kaya dapat mauna ka na,” wika naman ni Kambing.
“Sabay na lang kaya tayong uminom,” sabi ni Leon.
“O sige,” mahinahong sagot ni Kambing.



Si Jupiter at ang Tsonggo


Isang araw ay ipinakalat ni Jupiter ang balitang magkakaroon ng timpalak na magtatampok sa pinakamagandang anak ng hayop sa kapaligiran.
Nang dumating ang araw ng laban ay nagtipun-tipon ang lahat ng hayop sa paanan ng kabundukan. Dala-dala ng lahat ng inang hayop ang kani-kanilang anak na ipanlalaban. Kahit malalayong gubat, bundok, lambak, ilog at kuweba ang pinanggalingan ay nawala ang pagod nila makasali lang sa timpalak.
Tuwang-tuwa ang lahat nang ihudyat ng dagundong at malalakas na kulog ang pagbukas ng langit. Nagbunyi ang lahat nang matanawan nilang pababa sakay ng gintong karwahe niya ang Bathalang si Jupiter. Nagyukuan sila bilang pagbibigay galang sa Bathala ng Kalikasan.

Inikot ni Jupiter ang paanan ng kabundukan. Sinusuri niya ang lahat ng dala-dalang anak ng bawat inang hayop sa kapaligiran. Papanhik na sana siya sa ituktok ng bundok upang sabihin ang nagwagi nang malingunan niya ang inang Tsonggo. Nilapitan ito ni Jupiter at inaninag ang anak na mahigpit na yakap-yakap. Napaurong ang Bathala nang matanaw na pangung-pango ang ilong ng batang Tsonggo at pagkakapal-kapal pa ng maitim na nguso nito.
“Anong klaseng nilalang ito? Pagkakapal-kapal ng buhok, sunug na sunog ang kulay at pagkapangit-pangit.”
Kahit pabulong ay narinig pala ng Inang Tsonggo ang pintas ng Bathala.
Tinitigan ng Inang Tsonggo ang anak. Lalong hinigpitan ang yakap, masaya itong hinagkan bago pabulong na nagsabing, “Wala akong pakialam kung ano man ang sabihin ni Jupiter o ng sinumang huhusga sa iyo. Para sa akin ikaw at ikaw lamang ang pinakamagandang nilalang sa sandaigdigan.”






Si Juan at ang Alimango

Si Juan ay isang batang may katamaran at may kahinaan ang pag-iisip. Gayunpaman, siya ang nag-iisang kasama ng kanyang ina kung kaya’t siya lamang ang nauutusan nito.
Minsan ay inutusan ni Aling Maria ang anak.
“Juan, ipagbili mo sa palengke ang mga nagawa nating palayok. Kailangang maging pera ito.”
“Opo,” magalang na sagot ni Juan.
“Bumili ka na rin ng alimango para ulam natin sa tanghalian.”
“Opo. Sige, Inay, aalis na po ako,” sabi ni Juan.
“Mag-iingat ka. Huwag mong kalilimutan ang bilin ko. Umuwi ka agad, ha. Huwag kang pupunta kung saan-saan,” ang bilin ng ina.
“Susundin ko pong lahat ang utos ninyo, Inay,” wika ni Juan.
Sa palengke, madaling naipagbili ni Juan ang mga palayok.
“Naku, mabuti na lang at mabilis naubos ang mga palayok,” wika ni Juan sa sarili.
Hindi nag-aksaya ng oras si Juan. Bumili agad siya ng isang taling alimango. Bitbit ang mga alimango, masayang umuwi si Juan. Pasipul-sipol pa siya.
Sa daan ay nasalubong ni Juan ang isang matandang lalaki.
“Naku, iho, maaari mo ba akong samahan sa pinakamalapit na senter? Ako lamang ay naliligaw at ang aking apo ay doon nakadestino,” sabi ng matanda.
“Aba, opo!” walang atubiling sagot ni Juan.
“Pero, teka… Pano kaya ang mga alimangong ito?” bulong niya sa sarili. “Tiyak na hinihintay na ito ni Nanay para lutuin sa aming tanghalian.” Saglit na nag-isip si Juan.
“Ah! Alam ko na! Sandali lang po, Lolo.”
Binuksan ni Juan ang supot na hawak at kinausap ang mga alimango.
“O, kayo, ha, hinihintay na kayo ni Nanay. Mayroon lamang akong sasamahan. May mga paa naman kayo kaya mauna na kayo sa akin sa bahay. Sundan lamang ninyo ang landas na ito. Pagdating sa dulo ay kumaliwa kayo. Makikita ninyo ang aming hagdan. Akyatin ninyo. Matutuwa si Nanay kapag nakita kayo.”
At pinawalan ni Juan ang mga alimango saka sinamahan ang matanda.
Alas dos na ng hapon nang makabalik si Juan sa bahay.
“Juan, bakit ngayon ka lang, ha? Nasaan ang alimango?” ang magkasunod na tanong ni Aling Maria.
“Bakit, Inay, wala pa po ba? Kanina ko pa po pinauwi, ah! Pinawalan ko sila at ang sabi ko sa kanila ay mauna na silang umuwi. May tinulungan lamang akong matandang naligaw. Sinamahan ko po siya sa senter sa bayan. Maliwanag naman po ang ibinigay kong direksyon sa kanila,” pangangatwiran ni Juan.
Nagagalit man ay napakamot na lamang ng ulo ang ina.
Labis naman ang pagtataka.

Si Mahistrado Kuwago

Isang araw, may krimeng pinahuhusgahan sa isang hurado ang ilang hayop. Kabilang dito ang Ibon, ang Palaka, ang Pagong, ang Alitaptap, at ang Lamok. Upang maparusahan ang kriminal, napagkaisahan ng lahat na magsilbing huwes ang Kuwago.
“Sapagkat ako ang napili ninyong magdesisyon kung sino ang kriminal sa kasong ito, pakikinggan ko kayo sa inyong mga sasabihin.”
Nagsimulang tumindig ang Ibon na nagpahayag ng kaniyang problema.
“Ako po si Ibon. Hindi po ako makatulog sa gabi sapagkat kokak nang kokak ang Palaka.”
“O, bakit kokak ka nang kokak?” tanong ng Hurado sa Palaka.
“Ako po si Palaka. Kokak po ako nang kokak sa takot ko pong mahulugan ako ng bahay ni Pagong.”
Tinawag ng Hurado si Pagong.
“Totoo ba iyon, Pagong?” takang-takang usisa ng Hurado.
“Totoo po. Bakit naman hindi ko po dadalhin ang nag-iisa kong bahay? Takot po kasi ako sa alitaptap na laging may baong apoy sa likuran.”
“E bakit nga naman may apoy ka pang dala-dala?” pag-uusisa ng Hurado sa Alitaptap.
“Lagi po kasing may dala-dalang sibat ang Lamok. Para po hindi ako masundot, proteksiyon ko po ang apoy.”
Tinawag ng Huradong Kuwago ang itinuturong Lamok.
“Totoo bang may dala-dala kang sibat na panundot?”
Hindi maipaliwanag ng Lamok kung bakit kailangang dala-dala niya lagi ang sibat.
Hindi nagkamali ang lahat nang ibunton sa lalaking Lamok ang parusang mabilanggo.
Nang akmang ipadadakip na ang hinatulan ay dali-dali itong lumipad. Kaagad siyang pumunta sa Lamuklandia. Isinumbong niya sa mga kamag-anak ang malupit daw na Mahistrado.
“Dala-dala mo lang ang sibat na pananggalang, huhulihin ka na upang parusahan?” galit na reaksiyon ng mga Babaeng Lamok.
“Dapat na ipagtanggol natin ang katribo!” sigaw ng mga Lalaking Lamok.
Inayos ng mga Babaeng Lamok ang mga businang panggalugad at mga sibat na panundot ng kanilang mga asawa.
Humanda na sa paglusob nila ang batalyon ng mga Lamok.
Nang mapansin ng Mahistradong dumarating na ang nagliliparang mga Lamok ay ikinampay na nito ang mga pakpak. Dali-dali itong lumipad at pumasok sa kuweba sa kagubatan.
Hindi nag-aksaya ng oras ang mga lalaking Lamok. Upang masigurong bihagin ang Mahistrado ay pinuntahan nila ang lahat ng kuweba sa paligid. Pati na tenga ng mga tao ay sinisilip nila at binubusinahan sa pag-aakalang kuweba rin itong mapagtataguan.
Bigo ang mga Lamok sa paghahanap nila sa Mahistrado.
Hanggang ngayon ay patuloy sila sa pagsilip at pagbusina sa ating mga tenga.

Comments

Popular posts from this blog

Panitikan ng Mindanao

Anyong Lupa at Tubig sa Asya

Si Pilandok at ang Sultan