Panitikan ng Mindanao


PANITIKAN NG MINDANAO

May iba't- ibang panitikan ang Mindanao. Ilan sa mga kilalang panitikan sa lalawigan ng Mindanao ay ang sumusunod:

1. BALÉLENG - (mula sa salitang leleng na nangangahulugang "sinta"). Ito ay isang awitin ng pag-ibig mula sa Samal, Sulu.

2. DAMAN - isang payo o talumpating patula ng mga Tausug. Ito ay kadalasang ginagamit sa panliligaw o ritwal sa kasal.

3. DARANGËN- isang salitâng Mëranaw at pangkalahatang tawag sa kanilang pag-awit. Ito din ay naging isang pamagat sa epikong-bayan ng Meranaw.

4. GINDAYA - isang tulang inaawit sa ginem/gin-em/ginum, ang pinakadakila sa mga seremonya ng mga Bagobo. Ang mga Bagobo ay isang pangkat-etniko sa timog Mindanao, at naninirahan sa baybayin ng Golpo ng Davao hanggang sa Bundok Apo.

5. GÚMAN - tawag ng mga Suban-on ng bulubundukin ng Zamboanga sa kanilang epikong-bayan. Ito rin ang pamagat ng epikong-bayan na naitalâ ni Esterlinda Mendoza-Malagar noong 1971 at inawit ni Pilar Talpis. Hábang kinakanta ang Gúman ng Dumalinao, nakatakip ang mukha ni Talpis at nakasara ang mga bintana ng bahay

6. HUMAN-HUMAN - Tumutukoy sa mga kuwentong-bayan ng mga Mansaka ang human-human. Kadalasan, isinasalaysay ang mga human-human kapag may pagdiriwang at pagtitipon ng taumbayan, gaya ng kasal, lamay sa patay, at panahon ng anihan. Minsan, isinasalaysay rin ang mga human-human kung nagkakatipon-tipon ang mag-anak para magsalo-salo ng pagkain. Gumagamit ang mga Mansaka ng linda, isang uri ng estilo upang mas madaling matandaan ng mga nagbahahagi ng human-human.

7. KÁTA-KÁTA - isang uri ng mahabàng awit na pasalaysay ng mga Sáma Diláut. Itinuturing itong mahiwaga’t relihiyosong awit sa panggagamot ng maraming Sáma Dilaut. Gayunman, may mga Sáma na nakatahan sa lupa na itinuturing lámang itong karaniwang bahagi ng kanilang panitikang-bayan.

8. KÍSSA - maikling salaysay na inaawit ng mga Muslim kapag may espesyal na okasyon. Maaaring kuwento itong kinuha sa Koran, gaya ng pag-aalay ni Abraham sa kaniyang anak upang maitayô ang templo ng Panginoon. Maaari namang kuwento ito ng búhat at pag-ibig ng mga datu at bantog na tao. Ang matatandang kissa ay ginagamit ng mga Tausug upang bakasín ang kanilang ninuno at angkan.

9. SÍNDIL - sagutan sa pamamagitan ng awit. (Tausug)

10. LIYÁNGKIT - isang awit na solo, karaniwang ginagampanan ng pangunahing mang-aawit at malimit na isinusunod bilang pangwakas sa sindil. Sinasaliwan ang liyangkit ng tugtog sa gabbang (kawayang silopono), suling (katutubong plawta), at biyula (katutubong biyolin).

11. NAHANA - isang tradisyonal na awit ng mga Yakan. Karaniwan itong nagpapahayag ng kasaysayan ng isang angkan, kayâ itinuturing na mahalagang imbakan ng karanasan at pinagmulan ng mga Yakan. Habang nagpapahinga sa bahay, karaniwang inaawit ng mga Yakan ang nahana upang maaliw. May mga patimpalak naman na nagtatagisan ang mga Yakan sa pag-awit ng nahana.

12. PÁRANG SÁBIL - tawag sa mga patulang salaysay ng mga Tausug ng arkipelago ng Sulu. Ang parang sabil din ay katumbas ng epikong-bayan sa wikang Filipino. Mula ito sa dalawang salitang Tausug: ang perang na nangangahulugang digmaan o kayâ’y espada at sabil na nagmula sa sabil-ullah, ibig sabihin ay “sa pamamaraan ni Allah.” Kung kayâ masasabing ang kahulugan ng parang sabil ay “lumaban gamit ang espada ayon sa kagustuhan ni Allah” o kayâ “pakikidigma ayon sa kagustuhan ni Allah”.

13. SALIADA - isang uri ng awiting-bayan ng mga Mansaka, isa sa mga pangkating etniko ng mga Mandaya, na matatagpuan sa lambak ng Maragusan sa Mindanao. Binansagan itong “balada ng Mansaka” ng pokloristang si Antonio S. Magaña sapagkat ginagamit din umano ang estratehiya ng pag-uulit na makikita sa isang balada. Isa ito sa dalawang anyo ng awiting-bayan ng mga Mansaka, bukod sa bayok na awit naman ng pag-ibig at pakikibaka.

14. SÍNDIL - isang paawit na sagutan ng dalawa o tatlong mang-aawit sa saliw ng gabbang(kawayang silopono), suling (katutubong plawta), at biyula (katutubong biyolin).

15. TARASUL - isang uri ng tulang pabigkas ng mga Tausug at iba pang mga Muslim. Ito ay kabílang sa tradisyon ng panulaang pabigkas ngunit may mangilan-ngilan na isinusulat din ang mga ito. Ilan sa mga paksa na tinatalakay ng mga tarasul ay ang kalikasan, pagluluto o pag-ibig ngunit isa sa pinakamahalagang paksa na tinatalakay nitó ay ang iba’t ibang aspekto ng Islam.

16. TÉNES-TÉNES - isang uri ng awit na popular sa mga Sáma Diláut at inaawit ng mga musmos, ng mga kabataan, at ng mga tigulang. Nag-iiba ang himig at paksa ng awit alinsunod sa layunin at sa edad ng umaawit. Ang mga ténes-ténes na pasalaysay at tungkol sa mga totoong pangyayari sa Tawi-Tawi ay malimit na kinakanta ng mga mala-propesyonal na mang-aawit. Lumilibot silá sa mga pulô at naiimbita upang magdulot ng aliw sa mga kasalan at mga pagtitipon. May mga kuwentong umaabot sa isa hanggang dalawang oras ang pag-awit.




Comments

Popular posts from this blog

Anyong Lupa at Tubig sa Asya

Akademikong Sulatin